“Filipino Wika Ng Sinilangan”
Ang wika ay ang simbolo ng isang bansa, ito ang simbolo ng kultura, tradisyon, at nang kanilang pagkakakilanlan o identidad. Napakahalaga ng wika sapagkat ito ang nagsisilbing tulay sa mga tao upang magkaroon sila ng kakayahan makipag salamuha, makipag usap at bumuo ng koneksyon sa bawat isa. Ang wika ay napakahalaga at kahit kailan man hinding hindi mo pwedeng itakwil o kaligtaan. Ang wika ay dapat bigyan ng pagmamahal, ito ay para sa lahat at ang wika ay malaya.
“O, ano kayo? Hanggang diyan na lamang ba kayo sa Pilipino?” - Genova Matute
Napukaw ang aking damdamin, ako ay nagising at namulat sa katotohanan at realidad ng sitwasyon ng ating wika sa kasalukuyang panahon mula ng tapos kong binasa ang tatlong akda na kumatok sa aking puso. Ang mga mensahe ng mga akdang binasa ko ay ang nag-udyok sa akin isulat ang aking sulatin ngayon. Ang mga akdang ito ay ang “Liham sa Kabataan ng Taong 2070” ni Genoveva Matute, “Ang pagbaba mula sa torre ng akademiya” nina Ron Dangcalan at Bryan Elijah Trajano ng Rappler, at ang panghuli, ang “Buwan ng Wika: Hindi bawal umingles basta ayusin mo ito” ni Joselito Delos Reyes (Rappler). Sinasabi sa mga akdang ito ang kabuuang mensahe na ang wikang Filipino ay dapat bigyan ng halaga at tagos pusong pagmamahal, Ang wikang Filipino, sa agham at kaalaman, ay dapat hindi lamang lingid sa iilan. At ika-huli, ang wika ay hindi dapat pinipilit sapagkat tayo ay malaya pumili ng wikang ating nais basta ayusin mo ang paggamit nito.
“Ang kabataan ay ang pag-asa ng inang bayan” - Dr. Jose Rizal
Ang repleksyon na aking nasa isip at ugnayan nito sa aking sarili mula sa mga akdang aking nabasa. Aking masasabi na totoo at nangyayaring tunay ang mga isinulat ng mga awtor. Tunay na minsan ay nakakaligataan ko ang aking sariling wika at mas marapatin ko pang gumamit ng wikang banyaga tulad ng ingles sa kadahilanan na mas sanay akong gumamit nito. At kapag ako naman ay magsusulat ay para bang nagiging pansarili na lamang ito kung saan kakaunting tao o ako lang naman din ang nakakaintindi sa mga sinusulat ko, sapagkat kadalasan ang wikang Ingles ang karaniwang kong ginagamit na wikang pansulat. Isama mo pa rito ang madalas kong gamit ng mga hindi karaniwan o mga malalalim na salita na nagdudulot pa ng mas malaking kalituhan sa nakararaming mga tao. At sa huli, ang pang-araw-araw ko naman na gamit ng wika mas sanay man ako sa Ingles para sa pagsulat. Mas gusto ko naman gumamit ng Wikang Filipino para sa pagsasalita at pakikipag usap sa mga tao. Mas gusto kong mag Filipino sa pagsasalita at pakikipag komunikasyon sa kapwa dahil mas sanay ako rito at mas madali ko rin naipapahayag ang aking damdamin.
“Ang tao’y di tuluyang lalaya kung walang pagmamahal wika at ito’y nakakubli lamang sa iilan” - L.G. Writings
Totoo ang mga nangyayari at ang realidad ng sitwasyon sa wika ay mas umepekto na lalong lalo na sa mga kabataan ng panahon ngayon. Sa kasalukuyan ummunti ang mga batang tumatangkilik sa pag-aaral at paggamit ng wikang Filipino. Isa pa rito ang katotohanang at balitang naging optional course na lamang ang asignaturang Filipino para sa kolehiyo, na pinag desisyonan ng Commission on Higher Education (CHED) noong 2018 mula sa hatol ng pagpayag ng Korte Suprema. Sa ganitong pangyayari mas naipapakita rito ang kawalan ng pagmamahal sa Wika at maiuugnay dito ang ipagpapalit ang ating wika para sa competence o mas paggamit ng wikang ingles upang makipagsabayan para sa Globalisasyon.
Maraming kabataan ang hindi nahuhumaling o naantig sa pag-aaral ng wikang Filipino at kung mayroon man, kaunti lamang ang bilang ng mga batang ito. Ang isa sa mga sigurong dahilan kung bakit ang mga kabataan ang nawawalan ng interes sa pag-aaral ng wikang Filipino ay dahil narin ito sa kadahilanan na ayon sa kanila kaunti lamang ang mga oportunidad na pwedeng puntahan sa pag-aaral ng wikang Filipino.
Isa pa sa realidad ngayon ay ang matamlay o limitadong access sa impormasyon dahil sa language barriers ng wikang ginagamit sa pagbibigay ng impormasyon. Maraming tao lalo na ang mga karaniwang tao, ang mailap sa mga impormasyon at kaalaman mula sa mga pananaliksik at akademikong sulatin na naglalaman ng mga tamang datos o impormasyon. Dahil ito sa wikang ginagamit na kadalasan ay ingles, at isaba’y mo pa rito ang madalas na paggamit ng mga malalalim na pang-akademikong mga salita. Kung tutuusin para sa mga karaniwang tao hindi ito madaling maintindihan at malaki ang pagkakataon na maging huwad ang impormasyon na kanilang makamtan o maintindihan. Kaya tulad sa panahon ng pandemya mas mararapating pang sundan ng mga tao ang mga taong na maka-masa, ito ang mga populista o kaya ang mga vlogger sapagkat mas madali silang pakinggan at maintindihan ng mga nakararami. At dahil dito mas marami ang mga taong napahamak dahil sa mga mali at kulang na mga impormasyon.
Ika-huli, maraming kabataan ang marunong makipag-usap at magsalita ng Filipino subalit naging mas maalam sila ibang mga wika tulad ng Ingles, Koreano, at Hapon. Dahil ito sa dulot ng Globalisasyon kung saan ang kultura ng iba’t ibang bansa ay nagpapasa at nababahagi na sa isa’t isa. At dulot nito ay maraming mga Pilipino ang mas nahuhumaling at naakit sa Kultura ng ibang bansa.
“Ako’y isang pinoy, sa puso’t diwa, Pinoy na isinilang, Sa ating bansa” - JZ Tandingan
Mahalin ang sariling wika at bigyan ito ng sapat na pagtangkilik at pagmamahal sapagkat ito ang simbolo ng kultura at bansa. Palawigin ang paggamit ng wikang Filipino at mahalin ang bawat isa. Ang wika ay ang kaluluwa ng isang bansa dahil kung wala ito tiyak na wala ring mga Pilipino.
Ang kaalaman at impormasyon ay para sa lahat at hindi ito eksklusibo lamang sa iilan. Ang bawat isa ay may karapatan at may kakayahang magtamasa ng kaalaman. Ang wikang gamit at ang pagbabahagi ng impormasyon ay dapat maintindihan at nauunawaan ng karamihan at ng buong bayan.
Tayo ay malaya pumili ng sariling wika na ating nais gamitin. Subalit dapat muna nating palawigin at pagtibayin ang wikang sariling atin. Hindi bawal ang mag-ingles o kung ano man ang wika na gusto mo basta siguraduhin mo na maayos ang pagsasalita mo.
Pero sa huli mas nais ko parin na kahit ang mundo man ay maunlad at nagbabago mas mabuti pa rin palakasin muna ang sariling atin. Palakasin ang iyong kinalakihan bago ka sumubok sa mundo ng ibang larangan.
Ang wika ay ang simbolo ng isang bansa, ito ang simbolo ng kultura, tradisyon, at nang kanilang pagkakakilanlan o identidad. Mahalin natin ang ating wika sa kahit ano man paraan o modela, ito man ay sa pagsasalita, pagsulat o panonood. Gamitin, payabungin ang ating wika, maging mabuti at isang makabayang Pilipino! Mabuhay ang Wikang Filipino!
Comments
Post a Comment